noong isang gabi ko pa nais masaid
itong mga luha at sipong
kung umagos ay ‘bottomless’
pagka’t sa tuwing maaalala kong
ika’y wala na sa ‘king tabi
lalamunan ko’y nababarahan
ng kalungkutang kay tindi

hindi man lang natin
nabasa nang sabay
itong “tugmaang matatabil” ni axel pinpin
na matagal nating hinintay
ang bilin mo’y pakopyahan na lang kita
kasabay ang aking mga sulat
at tula (ito ang una)

ang mga mata ko’y
mugtong-mugto na’t
ang labi ko’y tuyo
ang likod ko’y basa ng pawis
ang diwa ko’y gustong sumabog
sa pangungulila sa’yo
ako’y nanlalambot

Alikabok Series 1: Si Ulap

Oktubre 15, 2008

Si Ulap ay ka-eskwela ko noon sa UP na gustong-gusto kong makita palagi. Parang hindi kumpleto ang araw ko kung di kami nagsasabay maglakad, o kumain pag lunch. Alam ko nagkakaintindihan kami, hindi man namin sabihin sa isa’t-isa. Ulap ang binigay na codename sa kanya ng kaibigan ko kasi para nga naman siyang ulap, nandyan lang palagi. Pag mainit ang ulo ko, pwede akong mag-angas sa harap nya, lagi siyang handang makinig.

Halos araw-araw, away-bati kami (ako ang madalas uminit ang ulo), (alam ko hindi ok sa kanya) pero ok lang. Mas marami pa ring pagkakataon na masaya, kahit patago. Ang hindi ko makakalimutan, ang mga panakaw naming holding hands tuwing sasakay sa habal-habal (single motor na sinasakyan papuntang campus). Pati mga moments sa downtown na pareho naming ayaw umuwi at walang ibang plano kundi mag-usap ng mag-usap. Kahit abutin na kami ng madaling araw, parang ang hirap maghiwalay. At ang ending, matutulog ang isa sa amin sa boarding house ng isa.

Kapag naaalala ko ang mga ganung tagpo, nangingiti pa rin ako. Naaalala ko ang sinasabi niya sa akin, “wag na tayo laging mag-away, kasi sayang ang time.”

Tama siya. Hindi man palaging masaya ang tao, kaya nating magkaroon ng maraming masasayang sandali.

Dapithapon,noon

Marso 9, 2008

Para sa iyo na nasa malayo:

Natatandaan ko noon, iniisip kong malayo pa ang dapithapon. Habang ako sayo’y lumuha ng mga panaginip at tula, ay umasa ring kapwa nating tatanawin ang napakagandang paglubog ng araw.

Ang ibig ko sana’y makitang nakangiti ka at ang silangan sa aking pag-gising. Ngunit naging mas madalas ang mga pagdadalamhati. Taon at oras ang binilang ng aking isipan sa muling pag-iyak ng liwanag.

Malalim ang mga sugat na iniiwan mo. Umikot ako sa isang siklo. Paulit-ulit. Hindi ko noon alam kung hanggang kailan ang mga paalam. Dahil paulit-ulit mong sinasabi na kapwa tayong sabik sa muling pagdilat ng araw. Ngunit anino mo’y nanatili sa kanyang kinatatayuan. Ang pangungulila ang kumitil sa siklo. Ang pangungulila at higit ay ang iyong paglimot.

Sa ilang beses kong pagdilat, ako lang pala at ang araw ang narito.

Hindi ko man muling nasilayan ang iyong ngiti, wala ka man sa aking tabi, ngayon ko lang naintindihan na dumarating pa rin naman ang dapithapon. At maganda pa rin ang paglubog ng araw.

liham

Pebrero 24, 2008

lea,
ang tinatahak nating daa’y alam nating mabato
ito’y isang masukal na gubat,
subalit ang sa dulo’y paraiso
para sa lahat ng lahing inalila ng hirap

kung tayo’y pahihila na tahakin ang daang sementado
ano pa’ng kinabukasan ang marami sa ati’y aasahan,
kung tayo mismo’y susuko na sa laban?

bai b.

emote #n

Pebrero 18, 2008

sa iyo teresa,

ang totoo’y nakakaramdam na ako ng awa sa sarili ko dahil hindi ko kayang bigkasin ang mga salitang maaaring maging sagot sa sarili kong katanungan, o kahit na hindi mabigkas, kahit na maarok lamang ng aking isipan kung ano ang kahulugang hinahanap ko.

dahil ang lahat ay hindi ko naman talaga nais na isisi sa — o sa madalas — pagsasama na maaring nagiging bunga ng mas madalas pa — di pagkakasundo. at ang totoo’y alam kong ako ang may pagkukulang. dahil nga sa ang tangi kong masasagot, kapag tinanong ako kung ano ang gusto ko at kung ano ang problema ko, ay isang malaking EWAN.

maliban sa aking pang-araw-araw na gawain bilang isang taga-buwan,  lumilipas ang mga araw ko na parang isang pelikulang may malabong iskrip. yung tipo ng mga pelikulang hindi pinapansin ng mga manonood, at unang-una’y hindi papasa sa direktor. malabo. walang patutunguhan. hindi pinag-isipan. paulit-ulit sa isang plot. ganito rin ang pagtingin ko sa aking sarili.

ah malamang, nasosobrahan lang ako ng kakabuntot sa — at sa pag-antay ng mga sagot — sa mga tanong ko. at sa pag-asang masasagot — ang mga tanong ko. para akong isang blangkong papel na nilukot at pilit na inayos para sulatan. pero dahil lukot,  ay hindi pa rin halos mabasa ang nakasulat.

kahabag-habag teresa. sana’y matulungan mo ako sa aking suliranin.

kanina’y malakas ang ulan.  gusto ko sana silang tanungin, baka alam nila ang sagot. pero di ko na inabutan pa ang mga ulap dahil inuna ko ang sulat na ito. naisip kong dito na lamang ako maghihintay. mag-iisip. kahit na hindi ko naman talaga minsan alam kung ano ang iniisip ko at kung ano ang tanong na nais kong hanapan ng kasagutan.

nag-eemote,

bai b.

sa ngayon

Pebrero 17, 2008

narinig ko na noon pa ang sabi nila:

hindi naman talaga maaring makapunta ng buwan ang ordinaryong tao. ang kaya niya lang ay mangarap makatuntong dito.

pero hindi ko na iyon dinadamdam. tanggap kong hanggang headbang nalang ang kaya kong gawin.  hanggang pagkamangha lamang sa mga aninong iniilawan ng buwan. kuntento na ako doon.

sa ngayon.

wala akong ibang hiling, sa ngayon.

tanging nais ko’y maging payapa ang aking isipan. payapang tumanggap ng mga hamon. payapang humarap sa pagsubok. payapang makipagtunggalian. payapa subalit may paninindigan at di matitinag.

yun lang sa ngayon.

sa susunod na taon ko na lang paplanuhin ang pagpunta ng buwan.

walk out

Pebrero 9, 2008

ako: namimili siguro talaga ako ng mga tao, ano?

siya: oo nga. tapos nangangarap kang maging organizer sa community?

ako: (tahimik)

siya: kapag nasa komunidad ka na nandoon na ang lahat ng klase ng mga tao. mga  matitino, adik, magnanakaw, pidabs (pw – prosituted women), pidabs na pasosyal, lahat. tahimik, abanteng mag-isip, maingay, lahat.

ako: e di hindi na lang muna ako mag-oor ganizer.

siya: ga-walkout na sab ka.

ako sa aking sarili: oo nga naman. tama siya.

Char.

Oktubre 26, 2007


Your Element Is Fire


Your passion and emotion are as obvious as the brightest flame.
You make sparks fly, and your passion always has the potential to burst out.

You are exciting and creative – and completely unpredictable.
You sometimes exercise control, and sometimes you let yourself go.

Friends describe you as sensitive, spirited, and compulsive.
Bright and blazing with intensity, you seem mysterious and moody to many.

pusang-gala.

Oktubre 3, 2007


My Lakbayan grade is B!

How much of the Philippines have you visited? Find out at Lakbayan!

Created by Eugene Villar.

_______________________________________________________________

Sabi na nga ba’t NPA ako.

No Permanent Address.

Gusto ko sanang marating pa ang Batanes at makatira sa Bahay na Bato at makita ang pinagkabit na Pacific Ocean at China Sea (ooops, masyadong pang-turista).

O kaya mabisita ang Basilan at mapatunayang hindi ako mamamatay doon dahil sa pagsabog ng bomba (pang-turista pa rin).

Gusto kong  marating muli ang Coron sa Palawan o ang Pagbilao sa Quezon at mapatunayang hindi aswang ang mga nagkukubli sa dilim, nanakot at pumapatay ng mga tao. [At kumain ng espasol, laing ni lola, at budin :) ]

titanic

Setyembre 17, 2007

noong isang gabi, hindi ko sinasadya pero nakasaksi ako ang isang pagniniig sa loob ng cr namin sa opisina.

kitang-kita ko silang dalawa habang magkadikit ang kanilang mga katawan. nagulat ako pero hindi ito naging dahilan upang umalis. bagkus, tahimik ko silang pinanood – bawat indayog at paglasap nila sa isang sikretong pagtatagpo.

inisip ko kung tatawagin ko ba ang iba kong mga kasama sa opisina para makita rin kung anong pinapanood ko. pero sabi ko sa sarili ko huwag na, baka makahalata pa ang dalawang ito. kaya’t sinolo ko ang isang “live show”. (tawa) naalala ko tuloy si leonardo dicaprio at kate winslet sa pelikulang titanic – sa eksenang nasa loob sila ng isang karwahe sa may basement ng barko.

maya-maya naisip kong boring na ang palabas at wala naman akong mahihita sa ginagawa ko. at naisip ko ring hindi ko gugustuhing gawin ito ng kahit sino sa akin.

pero nangibabaw ang kademonyohan ko at imbes na umalis, dali-dali akong pumasok sa loob at binuhusan ko sila ng tubig habang magkadikit pa ang kanilang mga katawan. sa gulat ko, hindi pala sila magkakalas sa pagkakadikit, sinubukan lang nilang umiwas. sabay silang tumakbo palayo sa akin.

tuloy naman ako sa pagbuhos ng tubig, paulit-ulit hanggang sa maanod sila sa sarap ng kanilang pulot-gata. nasaksihan ko kung paano sila unti-unting nadala ng rumaragasang tubig – paikot-ikot, mabilis hanggang sa natapos ang kanilang pagniig.

ikinwento ko kay jenny ang nangyari. hindi siya natawa. hindi daw tama ang ginawa ko.

“kung tayo kaya yung mga ipis na yun, ano kayang mararamdaman mo habang pina-flush tayo?” sabi niya.

ako naman ang hindi nakapagsalita.