Dear Tay,

Una sa lahat, Happy Father’s Day Tay!

Sumusulat ako ngayon dahil hindi na ako sanay na sabihin sa inyo ng harapan kung anong mga nararamdaman ko. Ang weird nga po ng feeling ko na habang sinusulat ko ‘to ay nasa gilid lang kayo, nagbabasa ng libro at nakikinig ng classical music. Hindi na kasi tayo ganun kalapit sa isa’t-isa kagaya noong Grade 3 ako at minsang sinundo niyo ako mula sa isang conference sa Pangasinan at sinabi ko sa inyo ang galit ko sa mga MNCs (multinational companies) na may-ari ng mga fast food chains na sumisira sa ozone layer.

Pasensya na tay kung kahit Father’s Day ay hindi ko man lang kayo nakuhang batiin kanina nung dumating ako sa bahay. Pagbati na nga lang ng Happy Father’s Day sa inyo hindi ko pa magawa. Suntok na sa buwan ang pag-asa kong mabasa niyo ang sulat na ‘to. Gusto ko kasing magpasalamat sa lahat ng nagawa niyo sa akin, sa aming magkakapatid ko.

Naaalala niyo po ba nung masagasaan ako noong nasa kinder ako dahil tinakasan ko kayo para lang makabili ng nougat na kendi malapit sa paaralan ko? Kahit puruntong lang ang suot niyo ay dali-dali kayong lumabas ng bahay para kunin ako sa tsuper. Ang kwento sa’kin ni Nanay ay muntik niyo na daw bugbugin yung drayber ng jeep na nakabangga sa akin.

Natatandaan ko din noong naospital ako sa dahil sa typhoid fever, kayo ang nagbantay sa akin habang pinipilit kong mag-drowing gamit ang kaliwa kong kamay, may dextrose kasi yung kanan. Kayo din ang madalas maghugas ng puwit ko dahil ayoko sa mga nars, lagi kasi silang may dalang injection.

Noong bata pa ako ay mas malapit na ako sa inyo kesa kay Nanay. Ang alam ko lang na dahilan ay ang pagiging mas magkamukha natin at dahil nag-iisa akong anak na babae sa loob ng labindalawang taon.

Noon ay laging kayo ang bumibili at pumipili ng damit at sapatos ko. Naaalala ko pa grade six lang ako nakapag-suot ng doll shoes dahil ang lagi niyong binibili sa akin ay mga boots at yung mga sapatos na “bulldog” style at steel toe.

Spoiled na spoiled mo nga ako noon. Kapag gusto kong sumama sa mga excursions at conference ay payag agad kayo. Hanggang sa paglaki ko tuloy, mas ako ang palaging wala sa bahay. At nagpapasalamat ako ng marami dahil ni minsan ay hindi ko kayo narinig na nagpilit sa amin ng kung ano ang gusto niyo. Ni hindi din kayo nagalit ng malaman niyong naninigarilyo na kami. Ang ibang teenager siguro ay nasapak na ng tatay nila. Pero bukas ang isip ng magulang namin at pinayuhan kaming huwag magpapa-sobra sa bisyo.

Maraming salamat sa pagiging mabuting ama, Tay. Kahit na takot na takot ako sa inyo pag nalalasing kayo dahil madalas kayong magwala, ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit. Mas mabilis ngang makatulog ang nakainom para mabilis ding matakasan ng panandalian ang hirap ng buhay. Dahil ang takot ko sa pagkalasing niyo ay mabilis na nawawala kapag naaalala ko ang mga kwento niyo noong mga bata pa kami at brown-out, na sa tuwing patapos na ang kwento niyo ay nagkakailaw na. Sa sobrang pag-idolize ko sa inyo ay naniwala akong nakipag-sagupaan kayo kay Godzilla noong baby pa ang panganay kong kapatid. Naniwala akong gawa ng pag-daplis ng dulo ng buntot ni Godzilla ang peklat sa tiyan niyo. At hayskul ko lang napagtanto na alikabok lang kayo sa laki ni Godzilla at masyadong maliit ang 3 sentimetro niyong peklat sa tiyan.

Salamat sa pagpapakilala niyo sa akin sa Cranberries, kay Bjork, sa Pink Floyd, Beatles, at sa Fleetwoods. Salamat sa pagdala niyo sa amin sa library ng Luneta tuwing Linggo. Salamat sa pagtupad ng pangarap kong magkaroon ng violin. Hindi man ako makapag-enroll ng violin lessons dahil kapos sa pera, masaya na akong maalala na natupad ang pangarap ko simula Grade 3 na makatugtog (kahit wala sa tono) ng violin.

Salamat sa pagmulat niyo sa mga mata ko na hindi lang bahay at eskwela ang mundo ko; sa pagpapakilala niyo sa akin ng samu’t-saring bagay, libro, musika, at ang pinaka-paborito natin – pagkain.

Salamat sa pagbibigay niyo sa amin ng mga orig at astig na pangalan.

Tay, maraming salamat sa hindi niyo pagpilit sa akin na maghanap ng trabaho kahit na napakalaki ng ginastos niyo para lang mapagtapos ako sa UP. Alam ko pong hindi biro ang pagpapaaral sa akin sa Diliman noong nag-cross reg ako, at ang pagpayag na mag-practicum ako sa Maynila. Pasensya na ‘tay kong malaking pera ang nagastos niyo sa akin nang tumagal pa ako ng halos dalawang taon sa kolehiyo habang natigil na sa pag-aaral ang dalawa kong kapatid.

Salamat po sa pagsuporta niyo sa pinaninindigan ko kahit na alam kong palagi kayong nag-aalala sa kalagayan ko.

Alam kong marami pa kayong pangarap ni Nanay para sa amin. Sana ay huwag niyong isipin na nagiging madamot ako dahil hindi ko inuuna ang kapakanan ng sarili kong pamilya. Alam ko naman na naiintindihan niyo ang ginagawa ko dahil galing din kayo dito. Sana hindi kayo nagsisisi na sa inyo pa ako nagmana ng pagiging aktibista. Hindi niyo man sinasabi, nararamdaman kong sa kabila ng takot ay ipinagmamalaki niyong may prinsipyo ang anak niyo.

Sisikapin ko Tay na sa munting paraan ay makatulong din ako sa inyo. Proud din po ako sa inyo ni Nanay dahil hanggang sa makakaya niyo ay ibinibigay niyo sa amin ang magandang bukas. At ‘yon din naman ang nais kong ibigay sa inyo.

Salamat ng marami Tay. Kahit po wala na kayong ngipin dahil hindi natin makaya ang mahal ng pagpapa-dentista, kayo pa rin ang pinakapoging tatay para sa akin! Baduy man pakinggan, mahal na mahal ko po kayo.

Ang inyong anak,
Chim

ps: At least alam ko na po ngayon na hindi lang ozone layer ang sinisira ng MNCs.

—————

Note: i wrote this letter fathers’ day of 2006. this was recently posted on peyups.com (http://peyups.com/article.khtml?sid=4353). oooh, i miss my tatay.

wala akong mukhang ihaharap sa buwan

dahil pilit kong kinutya ang kakarampot niyang liwanag
at di pa nagkasya’y inalipusta ang kanyang ganda
pansamantala, hindi, paulit-ulit ko siyang pinaluluha
sa mga tanong na paulit-ulit ko ring sinasambit
at ang kaniyang mga sagot na hindi ko kailanman maririnig
dahil pinipilit, mas ganoon pa, ang pagkabingi

ngayo’y wala akong mukhang ihaharap sa buwan

at ngayong gabi’y hindi na rin matatakasan
nagpupumiglas sa yakap ng katotohanang
ang buwan ay nagbibigay ng liwanag
at kahit papaano’y nariyan
tuwing madadapa’t muntik masugatan

pero ito’y aking itatanggi
sanlibong beses at paulit-ulit
para lamang maiwaksi ang pagkabalisa
tuwing nangangapa sa dilim
at kumapit sa kahit anong mahawakan
sa bawat pagkakataong lumilisan ang araw
at sa bawat saglit na ikinukubli siya ng mga ulap

kaya’t paumanhin, buwan,
kung hindi man kita naising masilayan
dahil ginugupo na ako
ng aking kaduwagan