emote #n

Pebrero 18, 2008

sa iyo teresa,

ang totoo’y nakakaramdam na ako ng awa sa sarili ko dahil hindi ko kayang bigkasin ang mga salitang maaaring maging sagot sa sarili kong katanungan, o kahit na hindi mabigkas, kahit na maarok lamang ng aking isipan kung ano ang kahulugang hinahanap ko.

dahil ang lahat ay hindi ko naman talaga nais na isisi sa — o sa madalas — pagsasama na maaring nagiging bunga ng mas madalas pa — di pagkakasundo. at ang totoo’y alam kong ako ang may pagkukulang. dahil nga sa ang tangi kong masasagot, kapag tinanong ako kung ano ang gusto ko at kung ano ang problema ko, ay isang malaking EWAN.

maliban sa aking pang-araw-araw na gawain bilang isang taga-buwan,  lumilipas ang mga araw ko na parang isang pelikulang may malabong iskrip. yung tipo ng mga pelikulang hindi pinapansin ng mga manonood, at unang-una’y hindi papasa sa direktor. malabo. walang patutunguhan. hindi pinag-isipan. paulit-ulit sa isang plot. ganito rin ang pagtingin ko sa aking sarili.

ah malamang, nasosobrahan lang ako ng kakabuntot sa — at sa pag-antay ng mga sagot — sa mga tanong ko. at sa pag-asang masasagot — ang mga tanong ko. para akong isang blangkong papel na nilukot at pilit na inayos para sulatan. pero dahil lukot,  ay hindi pa rin halos mabasa ang nakasulat.

kahabag-habag teresa. sana’y matulungan mo ako sa aking suliranin.

kanina’y malakas ang ulan.  gusto ko sana silang tanungin, baka alam nila ang sagot. pero di ko na inabutan pa ang mga ulap dahil inuna ko ang sulat na ito. naisip kong dito na lamang ako maghihintay. mag-iisip. kahit na hindi ko naman talaga minsan alam kung ano ang iniisip ko at kung ano ang tanong na nais kong hanapan ng kasagutan.

nag-eemote,

bai b.

Mag-iwan ng Tugon