Dapithapon,noon

Marso 9, 2008

Para sa iyo na nasa malayo:

Natatandaan ko noon, iniisip kong malayo pa ang dapithapon. Habang ako sayo’y lumuha ng mga panaginip at tula, ay umasa ring kapwa nating tatanawin ang napakagandang paglubog ng araw.

Ang ibig ko sana’y makitang nakangiti ka at ang silangan sa aking pag-gising. Ngunit naging mas madalas ang mga pagdadalamhati. Taon at oras ang binilang ng aking isipan sa muling pag-iyak ng liwanag.

Malalim ang mga sugat na iniiwan mo. Umikot ako sa isang siklo. Paulit-ulit. Hindi ko noon alam kung hanggang kailan ang mga paalam. Dahil paulit-ulit mong sinasabi na kapwa tayong sabik sa muling pagdilat ng araw. Ngunit anino mo’y nanatili sa kanyang kinatatayuan. Ang pangungulila ang kumitil sa siklo. Ang pangungulila at higit ay ang iyong paglimot.

Sa ilang beses kong pagdilat, ako lang pala at ang araw ang narito.

Hindi ko man muling nasilayan ang iyong ngiti, wala ka man sa aking tabi, ngayon ko lang naintindihan na dumarating pa rin naman ang dapithapon. At maganda pa rin ang paglubog ng araw.