Alikabok Series 1: Si Ulap

Oktubre 15, 2008

Si Ulap ay ka-eskwela ko noon sa UP na gustong-gusto kong makita palagi. Parang hindi kumpleto ang araw ko kung di kami nagsasabay maglakad, o kumain pag lunch. Alam ko nagkakaintindihan kami, hindi man namin sabihin sa isa’t-isa. Ulap ang binigay na codename sa kanya ng kaibigan ko kasi para nga naman siyang ulap, nandyan lang palagi. Pag mainit ang ulo ko, pwede akong mag-angas sa harap nya, lagi siyang handang makinig.

Halos araw-araw, away-bati kami (ako ang madalas uminit ang ulo), (alam ko hindi ok sa kanya) pero ok lang. Mas marami pa ring pagkakataon na masaya, kahit patago. Ang hindi ko makakalimutan, ang mga panakaw naming holding hands tuwing sasakay sa habal-habal (single motor na sinasakyan papuntang campus). Pati mga moments sa downtown na pareho naming ayaw umuwi at walang ibang plano kundi mag-usap ng mag-usap. Kahit abutin na kami ng madaling araw, parang ang hirap maghiwalay. At ang ending, matutulog ang isa sa amin sa boarding house ng isa.

Kapag naaalala ko ang mga ganung tagpo, nangingiti pa rin ako. Naaalala ko ang sinasabi niya sa akin, “wag na tayo laging mag-away, kasi sayang ang time.”

Tama siya. Hindi man palaging masaya ang tao, kaya nating magkaroon ng maraming masasayang sandali.