Alikabok Series 1: Si Ulap
Oktubre 15, 2008
Si Ulap ay ka-eskwela ko noon sa UP na gustong-gusto kong makita palagi. Parang hindi kumpleto ang araw ko kung di kami nagsasabay maglakad, o kumain pag lunch. Alam ko nagkakaintindihan kami, hindi man namin sabihin sa isa’t-isa. Ulap ang binigay na codename sa kanya ng kaibigan ko kasi para nga naman siyang ulap, nandyan lang palagi. Pag mainit ang ulo ko, pwede akong mag-angas sa harap nya, lagi siyang handang makinig.
Halos araw-araw, away-bati kami (ako ang madalas uminit ang ulo), (alam ko hindi ok sa kanya) pero ok lang. Mas marami pa ring pagkakataon na masaya, kahit patago. Ang hindi ko makakalimutan, ang mga panakaw naming holding hands tuwing sasakay sa habal-habal (single motor na sinasakyan papuntang campus). Pati mga moments sa downtown na pareho naming ayaw umuwi at walang ibang plano kundi mag-usap ng mag-usap. Kahit abutin na kami ng madaling araw, parang ang hirap maghiwalay. At ang ending, matutulog ang isa sa amin sa boarding house ng isa.
Kapag naaalala ko ang mga ganung tagpo, nangingiti pa rin ako. Naaalala ko ang sinasabi niya sa akin, “wag na tayo laging mag-away, kasi sayang ang time.”
Tama siya. Hindi man palaging masaya ang tao, kaya nating magkaroon ng maraming masasayang sandali.
walk out
Pebrero 9, 2008
ako: namimili siguro talaga ako ng mga tao, ano?
siya: oo nga. tapos nangangarap kang maging organizer sa community?
ako: (tahimik)
siya: kapag nasa komunidad ka na nandoon na ang lahat ng klase ng mga tao. mga matitino, adik, magnanakaw, pidabs (pw – prosituted women), pidabs na pasosyal, lahat. tahimik, abanteng mag-isip, maingay, lahat.
ako: e di hindi na lang muna ako mag-oor ganizer.
siya: ga-walkout na sab ka.
ako sa aking sarili: oo nga naman. tama siya.
titanic
Setyembre 17, 2007
noong isang gabi, hindi ko sinasadya pero nakasaksi ako ang isang pagniniig sa loob ng cr namin sa opisina.
kitang-kita ko silang dalawa habang magkadikit ang kanilang mga katawan. nagulat ako pero hindi ito naging dahilan upang umalis. bagkus, tahimik ko silang pinanood – bawat indayog at paglasap nila sa isang sikretong pagtatagpo.
inisip ko kung tatawagin ko ba ang iba kong mga kasama sa opisina para makita rin kung anong pinapanood ko. pero sabi ko sa sarili ko huwag na, baka makahalata pa ang dalawang ito. kaya’t sinolo ko ang isang “live show”. (tawa) naalala ko tuloy si leonardo dicaprio at kate winslet sa pelikulang titanic – sa eksenang nasa loob sila ng isang karwahe sa may basement ng barko.
maya-maya naisip kong boring na ang palabas at wala naman akong mahihita sa ginagawa ko. at naisip ko ring hindi ko gugustuhing gawin ito ng kahit sino sa akin.
pero nangibabaw ang kademonyohan ko at imbes na umalis, dali-dali akong pumasok sa loob at binuhusan ko sila ng tubig habang magkadikit pa ang kanilang mga katawan. sa gulat ko, hindi pala sila magkakalas sa pagkakadikit, sinubukan lang nilang umiwas. sabay silang tumakbo palayo sa akin.
tuloy naman ako sa pagbuhos ng tubig, paulit-ulit hanggang sa maanod sila sa sarap ng kanilang pulot-gata. nasaksihan ko kung paano sila unti-unting nadala ng rumaragasang tubig – paikot-ikot, mabilis hanggang sa natapos ang kanilang pagniig.
ikinwento ko kay jenny ang nangyari. hindi siya natawa. hindi daw tama ang ginawa ko.
“kung tayo kaya yung mga ipis na yun, ano kayang mararamdaman mo habang pina-flush tayo?” sabi niya.
ako naman ang hindi nakapagsalita.
comfort room
Setyembre 15, 2007
Ang bahay namin sa ay may dalawang kwarto at isang cr.
Ang cr ang pinakapaborito kong lugar sa bahay namin noon. Lalo na noong bago palang nailalagay ang mga tiles na kulay baby pink. Kahit maliit lang ito, paborito ko pa ring tumambay sa loob dahil mahilig akong mag-isa, magmuni-muni at doon lang ako nakakapanigarilyo kapag nasa bahay.
Saksi ito sa mga pagkakataong dinurog ng pag-ibig ang aking puso. Sa cr ako nagmumukmok – doon ako nagpapakawala ng mga impit na hagulgol dahil sa mga break-ups, frustrations, at iba pang angas.
Dalawa lang ang kwarto sa bahay namin. Ang isa ay sa aming mga magulang. Ang isa naman ay sa aming mga magkakapatid – lima kami. Pero apat lang kaming nasa kwarto dahil katabi naman ng mga magulang namin si bunso. Puro mga kapatid kong lalaki ang kasama ko sa kwarto.
Kaya kung bakit sa cr ko pa nakukuhang mag-emote, ito sa mga dahilan: Ang cr ang nagiging kwarto ko.
Pero noon yun. Hindi na kasi ako sa bahay namin nakatira ngayon. Tuloy, namimiss ko na ang mga ganung tagpo sa buhay ko. Ang mga pagkakataong nagagagap ko kung bakit ang cr ay tinawag na COMFORT room.
Para sa akin ito’y isang kanlungan.