noong isang gabi ko pa nais masaid
itong mga luha at sipong
kung umagos ay ‘bottomless’
pagka’t sa tuwing maaalala kong
ika’y wala na sa ‘king tabi
lalamunan ko’y nababarahan
ng kalungkutang kay tindi

hindi man lang natin
nabasa nang sabay
itong “tugmaang matatabil” ni axel pinpin
na matagal nating hinintay
ang bilin mo’y pakopyahan na lang kita
kasabay ang aking mga sulat
at tula (ito ang una)

ang mga mata ko’y
mugtong-mugto na’t
ang labi ko’y tuyo
ang likod ko’y basa ng pawis
ang diwa ko’y gustong sumabog
sa pangungulila sa’yo
ako’y nanlalambot

Dapithapon,noon

Marso 9, 2008

Para sa iyo na nasa malayo:

Natatandaan ko noon, iniisip kong malayo pa ang dapithapon. Habang ako sayo’y lumuha ng mga panaginip at tula, ay umasa ring kapwa nating tatanawin ang napakagandang paglubog ng araw.

Ang ibig ko sana’y makitang nakangiti ka at ang silangan sa aking pag-gising. Ngunit naging mas madalas ang mga pagdadalamhati. Taon at oras ang binilang ng aking isipan sa muling pag-iyak ng liwanag.

Malalim ang mga sugat na iniiwan mo. Umikot ako sa isang siklo. Paulit-ulit. Hindi ko noon alam kung hanggang kailan ang mga paalam. Dahil paulit-ulit mong sinasabi na kapwa tayong sabik sa muling pagdilat ng araw. Ngunit anino mo’y nanatili sa kanyang kinatatayuan. Ang pangungulila ang kumitil sa siklo. Ang pangungulila at higit ay ang iyong paglimot.

Sa ilang beses kong pagdilat, ako lang pala at ang araw ang narito.

Hindi ko man muling nasilayan ang iyong ngiti, wala ka man sa aking tabi, ngayon ko lang naintindihan na dumarating pa rin naman ang dapithapon. At maganda pa rin ang paglubog ng araw.

liham

Pebrero 24, 2008

lea,
ang tinatahak nating daa’y alam nating mabato
ito’y isang masukal na gubat,
subalit ang sa dulo’y paraiso
para sa lahat ng lahing inalila ng hirap

kung tayo’y pahihila na tahakin ang daang sementado
ano pa’ng kinabukasan ang marami sa ati’y aasahan,
kung tayo mismo’y susuko na sa laban?

bai b.