comfort room

Setyembre 15, 2007

Ang bahay namin sa ay may dalawang kwarto at isang cr.

Ang cr ang pinakapaborito kong lugar sa bahay namin noon. Lalo na noong bago palang nailalagay ang mga tiles na kulay baby pink. Kahit maliit lang ito, paborito ko pa ring tumambay sa loob dahil mahilig akong mag-isa, magmuni-muni at doon lang ako nakakapanigarilyo kapag nasa bahay.

Saksi ito sa mga pagkakataong dinurog ng pag-ibig ang aking puso. Sa cr ako nagmumukmok – doon ako nagpapakawala ng mga impit na hagulgol dahil sa mga break-ups, frustrations, at iba pang angas.

Dalawa lang ang kwarto sa bahay namin. Ang isa ay sa aming mga magulang. Ang isa naman ay sa aming mga magkakapatid – lima kami. Pero apat lang kaming nasa kwarto dahil katabi naman ng mga magulang namin si bunso. Puro mga kapatid kong lalaki ang kasama ko sa kwarto.

Kaya kung bakit sa cr ko pa nakukuhang mag-emote, ito sa mga dahilan: Ang cr ang nagiging kwarto ko.

Pero noon yun. Hindi na kasi ako sa bahay namin nakatira ngayon. Tuloy, namimiss ko na ang mga ganung tagpo sa buhay ko. Ang mga pagkakataong nagagagap ko kung bakit ang cr ay tinawag na COMFORT room.

Para sa akin ito’y isang kanlungan.

kulay

Agosto 26, 2007

Madalas niyayapos ko ang isang panaginip
Na kumukulay sa akin sing-tingkad
ng isandaang pulang rosas
na natuyot
Hindi ko mawari ang kakaibang halina nito
Na tila bang puputulin ang aking hininga sa oras na aking bitiwan

Gaya ng isang nagmamakaawang kamay sa ilalim ng kumunoy
Nilalamon ako nito ng buo

Gaya ng paru-parong nasilo
Pinapatay unti-unti

—————————-

March 16, 2006

Hulyo kinse dos mil siyete, nahitabo na ang ilahang gitakda.

Tungod kuno “self-implementing” nga balaod ang Human Security Act of 2007 o HSA, gipas-pasan og ayo sa mga anaa sa palasyo ang pagpatuman niini. Mao karon nga murag ang uban, naghulat kung kinsa ang una nga dakpon.

Matud pa sa usa ka lokal nga midya diri sa Davao, pirti kunong hadloka ron sa mga militante tungod kay sila mao ang tinuod nga target ning balaod. Hadlok? Dili man. Target? Kinsa pa man diay?

Sa kamatuoran man gyud ang maong balaod gimugna tungod sa pagkaitoy ni GMA sa administrasyon ni Bush nga nagpasiugda sa “war on terror”. Kabalo naman ta ani nga nagpakaylap lamang og “gyera” ang nasud US aron makaangkon pa kini og dugang mga teritoryo (kinaiya kini sa usa ka imperyalista nga nasud).

Ug ang HSA ang usa sa ilahang maayo nga hinagiban aron pitulon ang nagkalapad ug nagkakusog nga panaghiusa sa katawhan batuk sa pagpandaug-daug.

Sa wala pa kaayo nasayod sa isyu, ania ang mga dokumento nga makatabang kaninyo og pasabot.

***Primer on Human Security Act
Pwede pud mo mobisita sa website sa Bagong Alyansang Makabayan.

Karong Lunes, Hulyo 23, State of the Nation Address na usab ni GMA. Panahon na usab aron ipanghimakak niya ang “kamaayo” sa iyang liderato. Apan alang sa katawhan panahon na kini aron hatagan usab si GMA og “5″ o lagpak nga grado tungod sa padayon niya nga pagbaligya sa nasud ngadto sa mga langyaw ug pagpadayon sa mga anti-katawhan niya nga polisiya.

Ginaawhag ang tanan! SALMOT KITA!

Dunay ipahigayon nga dakong mobilisasyon karong Lunes, HULYO 23. Magkita-kita ta sa FREEDOM PARK, Roxas St., ala-12 sa udto.

Matud pa sa usa ka balak ni Malou Tianco, ang tubag sa katawhan sa Human Security Act:

HALA, SIGE, ABANTE!

terrorismo?

alas-nuwebe

Hulyo 18, 2007

binibilang ko ang mga sandaling hinanap ko ang iyong kariktan

hindi ko na ito mabilang sa aking mga daliri

bagama’t alam kong ang lahat ay may katapusan

hindi ko na rin mabilang kung ilang segundo

ang ninais kong patakbuhin ng simbilis ng pintig

ng aking pulsong sumisigaw, nagsusumamo

saan kita hahanapin? kung ang mga mata ko’y

nahilam na sa hinagpis at dusa ng kawalang pag-asa?

kung ang katawan ko’y ginupo na ng paniniwalang

ang lahat ay magbabago ng simbilis pa sa pagpintig

ng aking pulso?

kung ang puso ko’y inabo na ng pag-iimbot

at ng labis na kasakiman at takot?

sa kagustuhang ang lahat ay maangkin

at sumang-ayon sa aking kagustuhan

pinalilipas ko lang ang mga segundo

subalit hindi ko na nais pang usisain

ang mga nagaganap sa pagtakbo ng oras.

Dear Tay,

Una sa lahat, Happy Father’s Day Tay!

Sumusulat ako ngayon dahil hindi na ako sanay na sabihin sa inyo ng harapan kung anong mga nararamdaman ko. Ang weird nga po ng feeling ko na habang sinusulat ko ‘to ay nasa gilid lang kayo, nagbabasa ng libro at nakikinig ng classical music. Hindi na kasi tayo ganun kalapit sa isa’t-isa kagaya noong Grade 3 ako at minsang sinundo niyo ako mula sa isang conference sa Pangasinan at sinabi ko sa inyo ang galit ko sa mga MNCs (multinational companies) na may-ari ng mga fast food chains na sumisira sa ozone layer.

Pasensya na tay kung kahit Father’s Day ay hindi ko man lang kayo nakuhang batiin kanina nung dumating ako sa bahay. Pagbati na nga lang ng Happy Father’s Day sa inyo hindi ko pa magawa. Suntok na sa buwan ang pag-asa kong mabasa niyo ang sulat na ‘to. Gusto ko kasing magpasalamat sa lahat ng nagawa niyo sa akin, sa aming magkakapatid ko.

Naaalala niyo po ba nung masagasaan ako noong nasa kinder ako dahil tinakasan ko kayo para lang makabili ng nougat na kendi malapit sa paaralan ko? Kahit puruntong lang ang suot niyo ay dali-dali kayong lumabas ng bahay para kunin ako sa tsuper. Ang kwento sa’kin ni Nanay ay muntik niyo na daw bugbugin yung drayber ng jeep na nakabangga sa akin.

Natatandaan ko din noong naospital ako sa dahil sa typhoid fever, kayo ang nagbantay sa akin habang pinipilit kong mag-drowing gamit ang kaliwa kong kamay, may dextrose kasi yung kanan. Kayo din ang madalas maghugas ng puwit ko dahil ayoko sa mga nars, lagi kasi silang may dalang injection.

Noong bata pa ako ay mas malapit na ako sa inyo kesa kay Nanay. Ang alam ko lang na dahilan ay ang pagiging mas magkamukha natin at dahil nag-iisa akong anak na babae sa loob ng labindalawang taon.

Noon ay laging kayo ang bumibili at pumipili ng damit at sapatos ko. Naaalala ko pa grade six lang ako nakapag-suot ng doll shoes dahil ang lagi niyong binibili sa akin ay mga boots at yung mga sapatos na “bulldog” style at steel toe.

Spoiled na spoiled mo nga ako noon. Kapag gusto kong sumama sa mga excursions at conference ay payag agad kayo. Hanggang sa paglaki ko tuloy, mas ako ang palaging wala sa bahay. At nagpapasalamat ako ng marami dahil ni minsan ay hindi ko kayo narinig na nagpilit sa amin ng kung ano ang gusto niyo. Ni hindi din kayo nagalit ng malaman niyong naninigarilyo na kami. Ang ibang teenager siguro ay nasapak na ng tatay nila. Pero bukas ang isip ng magulang namin at pinayuhan kaming huwag magpapa-sobra sa bisyo.

Maraming salamat sa pagiging mabuting ama, Tay. Kahit na takot na takot ako sa inyo pag nalalasing kayo dahil madalas kayong magwala, ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit. Mas mabilis ngang makatulog ang nakainom para mabilis ding matakasan ng panandalian ang hirap ng buhay. Dahil ang takot ko sa pagkalasing niyo ay mabilis na nawawala kapag naaalala ko ang mga kwento niyo noong mga bata pa kami at brown-out, na sa tuwing patapos na ang kwento niyo ay nagkakailaw na. Sa sobrang pag-idolize ko sa inyo ay naniwala akong nakipag-sagupaan kayo kay Godzilla noong baby pa ang panganay kong kapatid. Naniwala akong gawa ng pag-daplis ng dulo ng buntot ni Godzilla ang peklat sa tiyan niyo. At hayskul ko lang napagtanto na alikabok lang kayo sa laki ni Godzilla at masyadong maliit ang 3 sentimetro niyong peklat sa tiyan.

Salamat sa pagpapakilala niyo sa akin sa Cranberries, kay Bjork, sa Pink Floyd, Beatles, at sa Fleetwoods. Salamat sa pagdala niyo sa amin sa library ng Luneta tuwing Linggo. Salamat sa pagtupad ng pangarap kong magkaroon ng violin. Hindi man ako makapag-enroll ng violin lessons dahil kapos sa pera, masaya na akong maalala na natupad ang pangarap ko simula Grade 3 na makatugtog (kahit wala sa tono) ng violin.

Salamat sa pagmulat niyo sa mga mata ko na hindi lang bahay at eskwela ang mundo ko; sa pagpapakilala niyo sa akin ng samu’t-saring bagay, libro, musika, at ang pinaka-paborito natin – pagkain.

Salamat sa pagbibigay niyo sa amin ng mga orig at astig na pangalan.

Tay, maraming salamat sa hindi niyo pagpilit sa akin na maghanap ng trabaho kahit na napakalaki ng ginastos niyo para lang mapagtapos ako sa UP. Alam ko pong hindi biro ang pagpapaaral sa akin sa Diliman noong nag-cross reg ako, at ang pagpayag na mag-practicum ako sa Maynila. Pasensya na ‘tay kong malaking pera ang nagastos niyo sa akin nang tumagal pa ako ng halos dalawang taon sa kolehiyo habang natigil na sa pag-aaral ang dalawa kong kapatid.

Salamat po sa pagsuporta niyo sa pinaninindigan ko kahit na alam kong palagi kayong nag-aalala sa kalagayan ko.

Alam kong marami pa kayong pangarap ni Nanay para sa amin. Sana ay huwag niyong isipin na nagiging madamot ako dahil hindi ko inuuna ang kapakanan ng sarili kong pamilya. Alam ko naman na naiintindihan niyo ang ginagawa ko dahil galing din kayo dito. Sana hindi kayo nagsisisi na sa inyo pa ako nagmana ng pagiging aktibista. Hindi niyo man sinasabi, nararamdaman kong sa kabila ng takot ay ipinagmamalaki niyong may prinsipyo ang anak niyo.

Sisikapin ko Tay na sa munting paraan ay makatulong din ako sa inyo. Proud din po ako sa inyo ni Nanay dahil hanggang sa makakaya niyo ay ibinibigay niyo sa amin ang magandang bukas. At ‘yon din naman ang nais kong ibigay sa inyo.

Salamat ng marami Tay. Kahit po wala na kayong ngipin dahil hindi natin makaya ang mahal ng pagpapa-dentista, kayo pa rin ang pinakapoging tatay para sa akin! Baduy man pakinggan, mahal na mahal ko po kayo.

Ang inyong anak,
Chim

ps: At least alam ko na po ngayon na hindi lang ozone layer ang sinisira ng MNCs.

—————

Note: i wrote this letter fathers’ day of 2006. this was recently posted on peyups.com (http://peyups.com/article.khtml?sid=4353). oooh, i miss my tatay.

wala akong mukhang ihaharap sa buwan

dahil pilit kong kinutya ang kakarampot niyang liwanag
at di pa nagkasya’y inalipusta ang kanyang ganda
pansamantala, hindi, paulit-ulit ko siyang pinaluluha
sa mga tanong na paulit-ulit ko ring sinasambit
at ang kaniyang mga sagot na hindi ko kailanman maririnig
dahil pinipilit, mas ganoon pa, ang pagkabingi

ngayo’y wala akong mukhang ihaharap sa buwan

at ngayong gabi’y hindi na rin matatakasan
nagpupumiglas sa yakap ng katotohanang
ang buwan ay nagbibigay ng liwanag
at kahit papaano’y nariyan
tuwing madadapa’t muntik masugatan

pero ito’y aking itatanggi
sanlibong beses at paulit-ulit
para lamang maiwaksi ang pagkabalisa
tuwing nangangapa sa dilim
at kumapit sa kahit anong mahawakan
sa bawat pagkakataong lumilisan ang araw
at sa bawat saglit na ikinukubli siya ng mga ulap

kaya’t paumanhin, buwan,
kung hindi man kita naising masilayan
dahil ginugupo na ako
ng aking kaduwagan

Biyahe

Abril 30, 2007

sanay na sanay na ako sa biyahe. bata pa lang ako, ilang beses na kaming nagpalit ng islang matitirahan, lugar na babakasyunan – palawan. manila. palawan. pagbilao. lucena. atimonan. bulacan. cabanatuan. davao.hanggang sa nagka-edad ako at natutong maglakwatsa. manila. baguio. isabela. cagayan. bukidnon. iligan. camiguin. miag-ao. guimaras. jaro. pangasinan. ilocos. davao oriental. surigao. butuan. bislig.

pero kahit may kalyo na ang pang-upo ko, hindi pa rin ako napapagod umalis. lumipat. magpakawala.

nakakapagod mang umupo sa bus ng halos kinse oras, habang nagbibilang ng mga bundok, bahay, pedestrian lanes, pangalan ng mga kalye, hindi pa rin ako napapagod bumiyahe.

dahil para sa akin ang pagbiyahe kung minsan ay pagtakas. kahit di mo alam kung ano ang tinatakasan mo. kahit hindi mo alam kung saan ka dadalhin ng iyong mga paa o ng manibela ng mga drayber na di mo naman kilala.

ang pagbiyahe ay pag-iwas. pag-iwas sa dapat mong kinalalagyan.

takbo dito.

takbo doon.

hala ikot.

at minsan ang pagbiyahe ay paglimot – nililimot ko ng sadya ang mga lugar na nadaanan para lang sabihing may nagbabago sa mundo ko. para hanapin ang kunwari ay nawawala.

hanggang sa tuluyang mahahapo.

sasakit ang katawan. mahihilo. masusuka.

kapagdaka’y babangon muli. bibili ng tiket.

hangga’t hindi nakikita ng tao ang kanyang dapat kalagyan, tuloy lang naman ang paglakbay. at kahit makita niya na ang daang tatahakin niya hindi humihinto ang biyahe. tuloy-tuloy. pero sa pagkakataong iyon, hindi nalang siya iikot ng iikot at magpapakawala.  may patutunguhan na siya.

kaya masarap ang biyahe, kahit nakakapagod.


Tagabuwan

Abril 24, 2007

Madalas kang tumingala sa langit

At magtanong

kung bakit hindi mo matiyempuhan

ang pagdating ng mga bulalakaw

o kahit ang mga bituing

ibinabagsak sa lupa

ng kanilang kalungkutan;

Madalas kang magtanong

sa mga hindi dapat pinagtatanungan

kagaya ng mga alikabok

sa kalawakan

na alam mong kahit na kailan

ay hindi makukuhang

ipaliwanag sa’yo

ang pagiging malabo ng mundo;

Madalas kang magtanong

ng mga hindi na dapat tinatanong

dahil ang kasagutan

ay pilit mo lang ikinukubli

at ika’y nagkukunwaring

nalilito, at taga-sunod na lamang

sa dikta ng mahina mong ulo;

At kapag hindi ka naman kinibo

ng iniirog mong buwan

lumalayas ka,

nagwawala sa kawalan;

Paano mo ba mahahanap pa ang kasagutan?

murahin mo man ang sanlibong santo,

wala kang makukuha sa buwan

kundi ang anino nito.

Pagmomoda

Abril 20, 2007

Masarap magmoda.

Hindi ko tiyak kung saan nagmula ang salitang ito. Ang naiintindihan ko lang ay tinutukoy nito ang partikular na “mood” ng isang tao na kapansin-pansin sa mga taong nakapalibot sa kanya o kung hindi naman ay “trip” niya lang gawin.

Ang pagmomoda ay kadalasang ginagawa ng mga taong pagod, asar, tuliro, o nung mga trip lang na magmoda.

Masarap magmoda lalo na kung hindi ka sinasaway ng mga taong nasa paligid mo, bagkus ay gagatungan ka pa. Kukunsintihin lalo. O kaya naman, hindi ka na lang papansinin at hahayaan ka lang magmoda hangga’t gusto mo.

Kung ako ay nagmomoda, ganito ang madalas kong ginagawa:

1.) Lalayo sa grupo. Pupunta sa isang sulok o kaya sa isang lugar na ako lang mag-isa.

2.) Maghahanap ng magandang libro. Kunwa’y magbabasa. Nagbabasa naman talaga pero mas lamang ang pagmomoda.

3.) Magkakape mag-isa. Kakain ng chocolate. Kakain ng kwek-kwek. Kakain ng ice-cream na mumurahin. Basta mag-isa.

4.) Maninigarilyo na ngayon ay hindi ko na normal gawin.

5.) Magsusulat ng kung anu-ano. Tula. Kwento. Iguguhit ang mukha ng taong kina-iinisan na may pangil at sungay o kaya bungi.

6.) Iiyak.

7.) Matutulog.

Madalas kong magamit ang salitang ito bilang panukoy sa nararamdamang galit, inis, lungkot – na gusto kong angkinin. Dahil sa tingin ko ay hindi mabuting ibahagi ang nararamdamang galit hangga’t ako mismo, sa sarili ko, ay hindi pa tukoy ang pinagmulan/kahihinatnan ng pagka-badtrip ko sa “state” ng pagmomoda.

__________

Ayan nagmomoda na naman ako. Haaayy. Sarap.

"This is the light of the mind, cold and planetary.
The trees of the mind are black. The light is blue.
The grasses unload their griefs at my feet as if I were God,
Prickling my ankles and murmuring of their humility.
Fumy spiritious mists inhabit this place
Separated from my house by a row of headstones.
I simply cannot see where there is to get to.

The moon is no door. It is a face in its own right,
White as a knuckle and terribly upset.
It drags the sea after it like a dark crime; it is quiet
With the O-gape of complete despair. I live here.
Twice on Sunday, the bells startle the sky -
Eight great tongues affirming the Resurrection.
At the end, they soberly bong out their names.

The yew tree points up. It has a Gothic shape.
The eyes lift after it and find the moon.
The moon is my mother. She is not sweet like Mary.
Her blue garments unloose small bats and owls.
How I would like to believe in tenderness -
The face of the effigy, gentled by candles,
Bending, on me in particular, its mild eyes.

I have fallen a long way. Clouds are flowering
Blue and mystical over the face of the stars.
Inside the church, the saints will be all blue,
Floating on their delicate feet over cold pews,
Their hands and faces stiff with holiness.
The moon sees nothing of this. She is bald and wild.
And the message of the yew tree is blackness - blackness and silence."

	-- Sylvia Plath.